#PHinfo: Tagalog News: DA nagkaloob ng kabuhayan sa mga magsasakang apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal
LUNGSOD NG BATANGAS, Hulyo 14 (PIA) –Nagkaloob ang Department of Agriculture (DA) ng livestock interventions para sa mga magsasakang naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal noong ika-3 ng Hulyo, 2020.
Ang pamamahagi ay mula sa Taal Recovery and Rehabilitation Program ng DA Region IV CALABARZON kung saan kabilang ang mga lokal na pamahalaan ng Balete, Bauan, Mataas na Kahoy at Agoncillo.
May kabuuang 60 native na kambing (12 modules) at 50 kalabaw (10 modules) ang ibinigay sa mga benepisaryong magsasaka sa bayan ng Balete.
Samantala, 50 broiler chicken modules na may 2,500 piraso, 1,700 piraso (34 modules) at 2,050 piraso (41 modules) naman ang naipamahagi sa mga benepisaryong sa bayan ng Bauan, Mataas na Kahoy at Agoncillo.
Pinangunahan ni Gng. Vilma Dimaculangan, Assistant Regional Director for Research and Regulations at Livestock Program Coordinator ang pamamahagi ng livestock intervention sa mga naturang lokal na pamahalaan.
“Patuloy pong magkakaloob ang DA Calabarzon ng suportang agrikultural para sa ating mga magsasaka hindi lamang po sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan kundi maging sa lahat ng magsasaka sa buong rehiyon. Hangad po ng ahensya na matulungan ang ating mga magsasaka sa pagkakaroon o pagpapalago ng kanilang hanapbuhay. Marami po kaming programa na nakahanay upang mas matulungan pa sila,” ani Dimaculangan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga magsasakang nabigyan ng tulong.
Ayon kay Balete Mayor Wilson Maralit, isang napakalaking tulong ito sa kanyang mga kababayan sapagkat ang mga ito ay naghahangad na muling buhayin ang kanilang mga naiwang pinagkikitaan na lubhang naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with reports from DA-RAFIS)
***
- * Philippine Information Agency. “Tagalog News: DA nagkaloob ng kabuhayan sa mga magsasakang apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal .” Philippine Information Agency. https://pia.gov.ph/news/articles/1047442 (accessed July 14, 2020 at 02:41PM UTC+08).
- * Philippine Infornation Agency. “Tagalog News: DA nagkaloob ng kabuhayan sa mga magsasakang apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal .” Archive Today. https://archive.ph/?run=1&url=https://pia.gov.ph/news/articles/1047442 (archived).