#PHinfo: Tagalog News: BARMM gov’t gagamit ng ‘blended learning’ para sa bagong school year
LUNGSOD NG COTABATO, Hulyo 14 (PIA) – Nakatakdang gagamit ng ‘blended learning’ para sa school year 2020-2021 ang Ministry of Basic, Higher, and Technical Education ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MBHTE-BARMM).
Ito ay upang masiguro na hindi matitigil ang serbisyong pang-edukasyon sa paglilipat sa ‘new normal’ bunsod pa rin ng nararanasang krisis dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Matatandaang ang ‘blended learning’ ay parte ng Learning Continuity Plan (LCP) ng MBHTE-BARMM para sa bagong school year. Kasama dito ang distance learning, home-based learning, at module learning na dinisenyo para sa mga malalayong lugar sa rehiyon ng BARMM.
Samantala, opisyal na inilunsad kahapon ng Pamahalaan ng BARMM, sa pangunguna ni BARMM Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebahim at Education Minister Mohagher Iqbal ang anim na flagship programs para sa school year 2020-2021.
Kabilang dito ang Abot Kaalaman sa Pamilyang Bangsamoro (AKAP) Programs; MBHTE Licensure Examination for Teachers (LET) Review; Tahderiyyah Curriculum Program for Madaris Education; pag-recruit ng mga guro para sa Arabic Language at Islamic Values Education (ALIVE); scholarship program para sa Technical Vocational Education and Training (TVET); Access to Higher and Modern Education Scholarship Program (AHME-SP) o ang Bangsamoro IQ Scholar.
Kumpiyansa naman si Ebrahim na ang nasabing flagship programs ay maipatutupad sa kahit anong sitwasyon at inaasahang magiging makabuluhan sa pagkilala ng kahalagahan ng edukasyon sa rehiyon.
Ang nasabing mga programa na naka-align sa 12 key priority areas ng MBHTE-BARMM ay dinisenyo upang mahubog ang sistema ng edukasyon sa Bangsamoro sa ilalim ng Basic Education, Madaris Education at Islamic Studies, Higher, at Technical Education at Skills Development. (LTBolongon-PIA Cotabato City/with reports from BPI-BARMM)
***
- * Philippine Information Agency. “Tagalog News: BARMM gov’t gagamit ng ‘blended learning’ para sa bagong school year.” Philippine Information Agency. https://pia.gov.ph/news/articles/1047560 (accessed July 14, 2020 at 11:15PM UTC+08).
- * Philippine Infornation Agency. “Tagalog News: BARMM gov’t gagamit ng ‘blended learning’ para sa bagong school year.” Archive Today. https://archive.ph/?run=1&url=https://pia.gov.ph/news/articles/1047560 (archived).